top of page
Maghanap

10 Tips sa Pagsasalin ng Iyong Aklat sa Iba't Ibang Wika

~ Raniel Herrera

Napakaraming prosesong kailangang harapin ng isang manunulat hanggang sa makabuo siya ng kamangha-manghang akda na maaaring makapagbigay ng malakas na impluwensiya sa mga mambabasa. Kasama na dito ang puyat sa pag-iisip o paghahanap ng mga ideya at ang komitment na maisulat kung ano man ang kaniyang nararamdaman sa mga oras na ‘yon. Hindi maikakailang sa paglipas ng mga araw, untiunti nang nadadagdagan ang kaniyang audience na magbubukas ng napakaraming oportunidad para palawakin pa ito at isa na dito ang “translation” o pagsasalin ng kaniyang mga akda sa ibang wika upang makakuha ng mga potensyal pang mambabasa sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya kung ikaw ay isa ring manunulat, nasa tamang lugar ka upang matuklasan ang mga aspetong kalakip nito. Maaari rin itong makapagbigay ng mga ideya sa mga “translator” o taga-salin o mga publisher na may kaalaman sa pag-m-market ng mga akda o libro.

Masasabing matrabaho ang pagsasalin ng iyong aklat sa mga dayuhang wika ngunit malaking tulong ito upang mas magkaroon ng malaking posibilidad na madagdagan pa ang iyong audience na makakapagpalaki ng iyong kita kaysa sa iyong orihinal na market. Sa kabila nito, may kaakibat itong advantages at disadvantages na kailangang masuring mabuti upang makapaghanda ng mga plano bago ang pagsasalin.

Higit pa rito, ang pamamahala ng mga rights sa ibang bansa at pagkakaroon ng koneksyon sa mga mambabasa sa ibang bansa ay dating eksklusibo lamang para sa mga pangunahing trade publisher. Subalit sa kasalukuyan, nag-evolve na ang larangang ito, kung saan ang mga indie author at freelance translator ay nagtutulungan kasama ang mga digital publishing platform upang lumikha ng mga makabago at kakaibang oportunidad sa self-publishing.

Narito ang mga hakbang na kailangan mong isaalang-alang sa pagsasalin-wika ng iyong aklat:


1. Alamin kung sulit ba ang pag-t-translate ng iyong libro sa ibang wika.

Bago ikonsidera na ang isang akda ay kinakailangang maisalin sa dayuhang wika, dapat munang isaalang-alang ang ilang kundisyon upang mapaghandaan ito nang mabuti.

Una, dapat napatunayan na ikaw ay may kakayahang makakuha ng mga mambabasa sa iyong pagsusulat sa sarili mong wika at bansa. Mahalagang punto ito sapagkat ang pagsasalin-wika ay hindi lamang tungkol sa pagpapalaganap ng iyong aklat kundi pati na rin sa pagpapalaganap ng iyong sariling brand at kakayahan bilang manunulat.

Pangalawa, kailangang may kagustuhan kang maparami pa ang iyong mga mambabasa. Kung ang layunin mo ay mas mapalawak ang iyong audience, dapat mong pag-isipang mabuti kung paano ka matutulungan ng pagsasalin-wika upang makamit ito.

Pangatlo, dapat may kinalaman ang nilalaman ng iyong aklat sa mga dayuhang makakabasa nito. Kung ang mensahe ng iyong kuwento ay may kahalagahan o interes sa ibang kultura o wika, ito’y isang magandang rason upang isalin ito.


2. Tukuyin kung aling mga foreign markets ang makapaghahatid ng pinakamalaking halaga para sa iyong translation.

Ang paglalathala ng isang aklat ay nakaka-excite, at mas nakaka-excite nga ito kung mababasa rin sa ibang wika. Ngunit huwag kang magmadali sapagkat pagdating sa mga aklat na self-published, karaniwang mas mabuti na subukan ang iyong aklat sa paisa-isang merkado lamang. Mas mabuting ito muna ang iyong gawin bago sumubok sa iba.

Sa kasalukuyan, ang pinakapopular na mga markets para sa mga self-published na manunulat ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  1. France

  2. Germany

  3. Italy

  4. Spain

  5. India

  6. Japan

  7. China

Ngunit tandaan na hindi magagarantiya na magiging matagumpay ang iyong aklat sa mga market na ito.

Mainam na pag-aralan muna ang popularidad ng iyong genre sa bawat isa sa mga market dahil hindi ibig sabihin na kung sikat ang isang genre sa France, ay sikat din ito sa kalapit na bansang Italy.

Magsaliksik sa mga internasyonal na site ng Amazon at tingnan ang mga nangungunang aklat sa iyong niche. Marami ba silang mga reviews? Sikat ba ang iyong genre sa pangkalahatan? Ano ang kalagayan ng iyong kompetisyon? Ang mga ito ay mahahalagang tanong na kailangang sagutin bago ka magdesisyon na maglathala sa isang internasyonal na merkado.


3. Kumuha ng karagdagang translator para sa komprehensibong pagsusuri.

Kadalasan, isang translator per language ang pinipiling option ng mga may-akda ngunit malaking risk ang nakataya rito dahil maaaring maapektuhan ang kalidad ng kanilang libro. Mas mainam pa rin na maghanap ng iba pang karagdagang translator nang sa gayon ay masigurong maganda ang kalalabasan ng proyekto.

Kung nakarating na sa iyo ang sample mula sa naunang translator, magandang maipakita mo rin ito sa isa pang translator o linguist ng wikang iyon nang masuri rin ito. Maaari kang humingi ng opinyon sa naturang linguist na maaari mong maging basehan kapag nakipag-usap kang muli sa naunang translator. Magiging magastos ang hakbang na ito ngunit magagarantiya naman ang kalidad ng translation ng iyong ginawang libro.


4. Isaalang-alang kung paano nakatutulong na makipag-ugnayan ka sa mga professional translation agencies.

Kung pipiliin mo mang i-translate nang mag-isa ang iyong akda, huwag na huwag kang dedepende sa pag-copy at paste ng iyong manuscript sa Google Translate. Matutulungan ka nito sa pag-translate ng isa o higit pang mga salita ngunit hindi ito praktikal at epektibo kung isasalin mo lahat ng nilalaman ng iyong libro gamit ito. Hindi naiintindihan ng mga tools gaya ng Google Translate ang konteksto ng mensaheng iyong ibig ipahatid sa iyong mga mambabasa. Maaring magkaroon ng malaking kaibahan sa pagitan ng interpretasyon nito at sa tunay na kahulugan ng iyong sinusulat.

Hindi nito kayang palitan ang antas ng kakayahan ng isang tunay na manunulat na talagang malawak ang pagkakaunawa sa mga wika at istilo kung paano makukuha ang atensyon ng isang mambabasa mula sa umpisa hanggang sa dulo ng akda. Hindi ito kayang gawin ng Google Translate sapagkat kada salita ang pamamaraan ng pagtranslate nito na kulang na kulang sa komprehensyon at nilalaman.

Marami kang makikitang translation services sa internet ngunit mas maganda pa rin kung makakakuha ka ng mga propesyunal na may karanasan at mahuhusay sa pagsasalin ng wika. Mas pamilyar sila sa mga hakbang na kailangang isaalang-alang sa pagsusulat at paglalathala ng iyong akda. Higit na sila ang nakakaalam kung paano mapapanatili ang istilo at kalidad ng iyong libro. Maaari kang magsimula sa pananaliksik tungkol sa “The American Literary Translators Association” kung saan maraming mga legit na translators na maaaring makatulong sa iyo.

Bukod sa mga ito, dapat mo ring pag-isiping mabuti ang pamagat ng iyong libro kung sakaling maisasalin na ito. Hindi maganda kung direktang i-t-translate ang isang pamagat. Humingi ka rin ng mga suhestiyon mula sa iyong translator kung paano kayo makakabuo ng agaw-atensyong pamagat na mapapanatili ang kahulugan at tone ng orihinal na pamagat kasama na rin ang pagsasaalang-alang sa iyong target audience.


5. Gumawa ng kontrata

Gaya ng ibang professional partnership, kailangan mong gumawa ng kontratang maglalatag ng mga guidelines at expectations ng parehong panig.

Narito ang mga bagay na kailangan mong isaalang-alang bago ka pumirma sa isang kontrata:

  1. Ibig rin bang tumulong ng translator sa pag-t-translate ng mga marketing materials gaya ng book blurbs, description or ng iyong bio?

  2. Kaya ba ng translator na magsagawa ng huling proofreading? (Maaari ring magkaroon ng typographical errors ang isang translated work gaya ng orihinal nito) Kasama na ba ang proofreading sa serbisyong kaniyang gagawin or bukod pa ito? C. Ano-anong mga deadlines ang kailangang sundin ng translator?

At siyempre, kailangang malinaw kung magkano ang halagang inyong mapagkakasunduan. Mainam rin na usisain niyong mabuti kasama ng iyong translator at ng iyong publisher kung aling international rights ang mananatili sa’yo bilang manunulat.


6. Alamin ang mga “do it yourself” translation tools para sa mga manunulat?

Sa kamahalan rin ng translation services sa kasalukuyan, may mga freelancers at manunulat na pinipili na lamang dumepende sa machine translation software gaya ng Google Translate o DeepL. Maaaring mas makakamura nga naman kung gagamit ng mga translation software o book translation app kaysa makipag-ugnayan sa mga propesyunal na translators,ngunit masasakripisyo naman dito ang kalidad ng iyong akda. Mawawalan lamang ng saysay ang mensaheng ipinahahatid mo sa mambabasa.


7. Unawain ang mga kondisyon sa pakikipag-usap sa iyong translator.

Siguruhin kung may direkta kang access sa translator o project manager. Suriin kung gaano kayo kadalas pwedeng magkaroon ng interaksyon o usapan at kung may kakayahan kang i-reject ang kaniyang translation nang wala kang babayarang penalty sa pagbibigay ng iyong feedback at corrections. Siguraduhin ring ikaw pa rin ang mayari ng iyong akda kahit pa translated na ito. Gumawa ka rin ng iskedyul at mga kaukulang penalties kung sakaling hindi sumunod sa kontrata ang iyong translator.


8. I-publish mo na ang iyong translated book.

Ngayon na ang tamang oras para i-publish ang iyong translated book. Maaari kang gumawa ng account sa Kindle upang ikaw ay makapag-self-publish sa tulong ng mga steps na iyong makikita sa internet bilang gabay. Puwede ka ring gumawa ng Amazon Author Central page sa iyong target Amazon marketplace.


9. I-market ang iyong aklat sa ibang bansa.

Kapag inilathala mo na ang iyong translated book, mahalagang i-link ito sa iyong website.

Maaari mo ring subukan ang mga sumusunod:

  1. Suriin ang iyong listahan ng mga naka-subscribe sa iyong newsletter. Itanong sa mga subscriber mula sa iyong target na bansa kung nais nilang makatanggap ng libreng kopya para sa pagsusuri.

  2. Maglaan ng oras sa pagsasaliksik ng mga nangungunang book reviewer o blogger sa iyong target na bansa at ipadala sa kanila ang mga kopya ng iyong aklat para sa pagsusuri.

  3. Gamitin ang mga Amazon ads, na kasalukuyang available para sa mga markets ng UK, Germany, France, Italy, at Spain, at asahang marami pang daragdag na market sa mga susunod na panahon.

  4. Mag-post tungkol sa iyong isinalin na aklat sa social media! I-tag ang iyong mga post gamit ang foreign title ng iyong aklat at gamitin ang geotags para sa iyong target na bansa.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, mas mapapalaganap mo ang iyong isinalin na aklat sa iyong target market at mas mapapalapit ito sa iyong mga potensyal na mambabasa.


10. Alamin kung gaano kalaki ang iyong magagastos.

Ang halagang iyong maaaring bayaran para sa pagsasalin-wika ng isang aklat ay maaaring mag-iba-iba depende sa karanasan ng tagasalin at sa nilalaman ng iyong aklat. Bilang isang freelancer, maaari silang magtakda ng kanilang sariling mga singil.

Sa pangkalahatan, maaari kang magbayad ng halos $0.10–$0.12 o PHP 5.00-PHP 11.00 kada salita para sa mga pangunahing European languages (kaya't para sa isang aklat na may 80,000 salita, $8,000–$9,600 o PHP 455,360-PHP 546,432); maaaring magkakahalintulad na mas mahal ang ibang wika, depende kung gaano ito nagiging pangkaraniwan.

Gayunpaman, may ilang mga freelancer na maaaring magtakda ng singil kada oras (hindi ito ang pinakamahusay na paraan ng pagbabayad, dahil madalas mahirap tantiyahin kung gaano katagal aabutin ang isang proyekto ng pagsasalin-wika).

May iba naman na maaaring humiling ng bahagi ng iyong royalties (minsan kasama ang isang up-front fee, kung hindi man; tiyakin na ito'y malinaw sa parehong panig).


Repleksiyon

Sa kabuuan, ang proseso ng pagsasalin-wika ng isang aklat ay may malalim na epekto at oportunidad sa isang manunulat. Ito ay isang hakbang na maaaring magbukas ng mga pinto sa mga bagong mambabasa mula sa iba't ibang bahagi ng mundo at magbigay ng mas malawak na pagkakakitaan. Ngunit, ito rin ay may kaakibat na mga pagsubok at mga desisyon na kailangang maging maingat sa paggawa.

Una, mahalaga na suriin kung ang pagsasalin-wika ay sulit sa pag-iisip at gastusin. Dapat mayroong tiyak na mga kondisyon na natutugunan bago ito isagawa, tulad ng kakayahan na kumuha ng mga mambabasa sa iyong wika at bansa, ang layunin na mapalawak ang audience, at ang kahalagahan ng iyong aklat sa iba't ibang kultura o wika.

Pagdating sa pagpili ng mga dayuhang market, kailangang maglaan ng oras sa pagsasaliksik at suriin kung aling mga market ang magbibigay ng pinakamahusay na resulta para sa iyong aklat. Hindi lahat ng genre ay magiging pareho ang popularidad sa iba't ibang bansa, kaya't mahalaga ang pagsusuri sa kalagayan ng iyong niche sa bawat target market.

Kapag nagdesisyon ka na isalin ang iyong aklat, mahalaga rin ang tamang pamamahala ng pagsasalin. Maaaring mag-hire ng propesyonal na translator o gumamit ng mga translation tools, ngunit dapat itong balansehin ng tamang pagtuklas at pagsasaliksik sa angkop na pagsasalin.

Bilang isang manunulat, mahalaga rin na gumawa ng kontrata na maglalatag ng mga eksaktong alituntunin at mga inaasahan sa pagitan mo at ng iyong translator. Ito ay para maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan sa hinaharap.

Sa kabuuan, ang pagsasalin-wika ng aklat ay isang prosesong maaaring magbukas ng mga bagong oportunidad sa larangan ng pagsusulat at pagsasaliksik, ngunit ito rin ay may kaakibat ring responsibilidad at pagpaplano. Mahalaga na maging maingat at maalam sa pagtahak sa landas na ito upang makamtan ang tagumpay sa pandaigdigang market ng literatura.



コメント


bottom of page