top of page
Maghanap
Larawan ng writerUkiyoto Publishing

5 Paraan Kung Paano Labanan ang Pagpapaliban sa mga Gawain

Isinulat ni Yvee Faith Dado



Magsimula at gawin ang unang hakbang!

Marami, hindi lang mga manunulat, ang nakararanas ng pagpapaliban sa mga gawain, o mas kilalang procrastination sa Ingles. Iba’t ibang salik ang maaaring makaapekto sa pag-antala natin ng ating trabaho. Mayroong mga gawaing sa tingin natin ay napakabigat, kaya’t nahihirapan tayong simulan. Pakiramdam natin ay hindi magiging sapat ang kalidad ng ating gawain. Maaari ring dahil nawalan na tayo ng pagganyak o inspirasyon sa ating pagsusulat. Isa pang posibleng dahilan ay ang maling paghawak natin ng ating oras; may mga masyadong nakakampante kaya’t ipinagpapaliban ang kanilang gawain. Ang mga nabanggit ay tunay na nangyayari at nararanasan ng mga manunulat. Mahalagang kilalanin ang mga ito nang sa gayon ay mayroon din tayong gawin upang malabanan at maiwasto ang mga ito. Narito ang limang paraan kung paano labanan ang pagpapaliban sa mga gawain:


1. Magtakda ng mga layunin.

Kapag naibigay na sa iyo ang trabaho, mahalagang agad na magtakda ng mga layunin. Sa paraang ito, magkakaroon ka ng direksyon at gabay sa iyong pagsusulat. Hindi kinakailangang malalaking layunin o long-term goals ang dapat mong itakda. Maaari kang magsimula sa maliliit na layunin o short-term goals na madaling makamit. Ang mga ito ay makatutulong upang manatili kang nakatutok at patuloy na ganahan sa iyong pagsusulat.


2. Hatiin ang mga gawain.

Ngayong nakapagtakda ka na ng iyong mga layunin, maaari mo nang hatiin ang trabaho at himay-himayin ito sa bawat gawain. Magtalaga ka ng gawain sa partikular na araw, ano at alin ang dapat magawa. Sa loob ng isang linggo, anu-ano ang kailangang matapos na. Hanggang sa hindi mo namamalayang ilang porsyento na lamang ang kulang mo dahil unti-unti ang paggawa mo at nakaayon ito sa mga layuning itinakda mo.


3. Alisin ang mga distraksyon.

Isang malaking dahilan kung bakit nahihirapan tayong gumawa ay ang maraming bagay na nakagagambala sa proseso ng ating pagsusulat. Nariyan ang ating telepono, ingay mula sa paligid, at magulong workspace. Alamin ang mga bagay na nagpapawala ng iyong pokus at gumawa ng mga paraan upang tanggalin ang mga ito. Kaakibat ng pagsusulat ang disiplina kaya’t nasa sa iyo na ang pagkilos upang makagawa nang maayos.


4. Magsulat lang nang magsulat.

Hindi kailangang perpekto na agad mula sa pagsulat mo ng unang burador o first draft. Hindi ka agad makapagsusulat ng walang mali o walang kapintasan. Makukuha ito sa paulit-ulit na pagrerebisa kaya’t magsulat nang malaya. May mga araw na akala mo walang kwenta ang mga sinusulat mo pero walang mali doon. Magpatuloy lang. Magsulat lamang nang magsulat.


5. Sumubok ng bago.

Bawat manunulat ay may kanya-kanyang proseso sa pagsusulat. May mga bagay na akma sa iyong proseso ngunit hindi angkop sa iba. Kung sa tingin mo, may mga bagay na alam mong kailangan tanggalin o idagdag upang mas mapabuti ang iyong proseso, subukan mo ito. Walang masama dito lalo na kung nagsisimula ka pa lamang sa pagbuo at pagtatag ng iyong sariling proseso ng pagsulat. Dahil sa huli, para sa iyo rin naman ito at ikaw ang mahihirapan o magiginhawaan sa iyong pagsusulat.


Maraming bagay ang maaaring makaapekto sa paggawa natin ng ating mga gawain. Ngunit hindi pwedeng magpakain na lamang tayo sa mga ito. Dapat ay gumawa tayo ng paraan upang malabanan ang mga hadlang sa ating proseso ng pagsusulat. Huwag matakot na magsulat. Magsimula at gawin ang unang hakbang.

Narito ang ilang tips sa mainam na paghawak sa iyong oras bilang isang manunulat.


272 view0 komento

Comments


bottom of page